Ipinaabot ng isang grupo ng mga magsasaka sa Koronadal City, South Cotabato ang kanilang pasasalamat sa Department of Agriculture sa mahigit tatlong milyong pisong (P3.7-M) halaga ng mga proyektong agrikulturang kanilang natanggap mula sa ahensiya.

 
“Napakaraming ‘blessings’ ang aming nakuha mula sa DA na aming magagamit upang mas mapaganda ang sistema ng aming pagsasaka nang sa ganun matamo namin ang mas mataas na kita,” pahayag ni Ginang Modesta Dolormente, ang kasalukuyang manager ng Kooperatiba ng mga Magsasakang Pilipino ng Timog Kutabato (KOMATIKU).
 
Ayon kay Ginang Dolormente, biniyayaan ang kanilang grupo noong 2011 ng iba’t ibang makinaryang pansakahan gaya ng tatlong yunit ng hand tractor na may kasamang trailer. Nagkakahalaga ang bawat yunit ng P106, 000.
 
Noong 2012, isang yunit ng rice thresher na nagkakahalaga ng P120,000 ang kanilang nakuha mula sa DA sa ilalim ng counterparting scheme.
 
Maliban dito, isa rin ang KOMATIKU sa napakaraming grupo ng mga magsasaka na pinagkalooban ng warehouse at multi-purpose drying pavement (MPDP) na nasa P160,000 ang kabuuang halaga. Lahat ng ito ay ibinigay ng Agri-Pinoy Palayan Program.
 
“Napakalaking tulong sa aming mga magsasaka ang warehouse at solar dryer dahil mayroon na kaming malawak na patuyuan ng mais at palay at mayroon na rin kaming bodega na nagsisilbing imbakan ng aming mga produkto,” sinabi ni Dolormente.
 
Nitong taon lamang, pormal na ring ipinagkaloob sa kooperatiba ang isang yunit ng village-type corn-on-cobs dryer na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso (P3-M) at tig-iisang yunit ng cassava grater at juice extractor na nasa P150,000 mula sa Agri-Pinoy Maisan Program.
 
“Nagpapasalamat kami sa Panginoon dahil nagluklok Siya ng mga taong may pusong totoong nagmamalasakit sa mga magsasaka at nakikita ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka lalong-lalo na sa mga kabundukan,” pahayag ni Dolormente.
 
Dagdag pa nito “Salamat kay Pangulong Benigno Aquino, Secretary Proceso Alcala, Director Amalia Jayag-Datukan at sa buong pamilya ng DA mula sa munisipyo hanggang sa nasyunal.”
 
Aniya, unti-unti nang nararamdaman ng mga magsasakang tulad niya ang tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga postharvest facilities at maging ang pagsasaayos ng mga farm-to-market road.
 
Hiling ni Dolormente sa Panginoon “sana magtuloy-tuloy na ang pagbabagong kanilang
nakikita sa DA” at hinikayat ang kapwa nito magsasaka na aktibong makilahok sa mga programa at aktibidad ng kagawaran. (LMSalvo)