Pinakikinabangan na ngayon ng lampas sa isanlibong magsasaka sa Barangay Rang-ay, Banga, South Cotabato ang higit sa anim na milyong pisong (P6.05-M) halaga ng farm-to-market road na handog ng Department of Agriculture.

 
Ayon kay Rang-ay Barangay Captain Andre Singsing, napakalaki ng kontribusyon ng nasabing 1.2-kilometrong sementadong daanan sa pamumuhay ng mga magsasaka sa nasabing barangay lalong-lalo na sa transportasyon ng kanilang mga produkto patungong merkado.
 
Batay sa kanilang barangay profile, nasa 1,000 ektarya ang kabuuang agricultural area ng Rang-ay na kung saan ang 750 ektarya rito ay inilaan sa pagtatanim ng mais.
 
Samantala ang nalalabing higit sa 300 ektarya ay tinamnan ng mga high value crops gaya ng bayabas, niyog, kamoteng-kahoy at samu’t saring gulay.
 
Bago pa man na-kompleto ang nasabing proyekto, sinabi ni Kapitan Singsing na lubhang napakahirap ng kanilang naging sitwasyon partikular na sa pagbibiyahe ng kanilang mga produkto dahil sa sira-sirang kalsada.
 
“Dahil din sa hindi magandang kalsada, walang pumapasok na mga investors. Alanganin silang puntahan ang aming lugar,” pagbabahagi ng opisyal.
 
Dagdag pa nito na napakasuwerte ng mga magsasaka sa Barangay Rang-ay dahil pinagbigyan ang kanilang kahilingang magkaroon ng maayos na daan matapos ang ilang taon.
 
“Salamat DA. Salamat Secretary Proceso Alcala at Director Amalia Jayag-Datukan,” pahayag ni Singsing.
 
Ipinaabot din nito ang kahalintulad na pasasalamat sa local government units ng South Cotabato sa pangunguna ni Governor Daisy Fuentes at Banga Mayor Albert Palencia. 
 
Sa kabuuang project cost na P6.05-M, P5.5-M ang nanggaling sa DA 12 na pinondohan sa ilalim ng Farm-to-Market Road Development Program habang ang sampung porsiyento o nagkakahalaga ng 550,000.00 ang naging counterpart ng Banga LGU.
 
Maliban sa FMR, naging benepisyaryo rin ang barangay ng isang yunit ng village-type corn-on-cobs dryer na pinangangasiwaan ng Rang-ay Credit Cooperative. Nagkakahalaga ang nasabing state-of-the-art postharvest facility ng 3-milyong piso na handog ng Agri-Pinoy Maisan Program.
 
Ngayong 2014, abot sa 730-milyong piso ang inilaang pondo para sa konstruksiyon ng mga karagdagang farm-to-market roads sa buong Rehiyon Dose na kung saan ipatutupad ito sa pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways (DPWH). (LMSalvo)