Dalawampung mga exhibitor ang lumahok sa limang araw na trade fair na pinangasiwaan ng Department of Agriculture 12 noong nakaraang linggo, May 26-30 sa Koronadal City.

Ayon kay Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Bai Dido T. Samama ang agri trade fair ay isang paraan upang mabigyan ng oportunidad ang mga magsasaka at mangingisda na mai-showcase ang kanilang mga produkto nang sa ganun ay makapaghanap ang mga ito ng mga potential buyers.

“Ang trade fair na ito ay bahagi ng month-long celebration ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda na pinangunahan ng DA dito sa Rehiyon Dose,” dagdag ni Samama.

Nabatid na iba’t ibang produkto ang dinala ng 20 exhibitors sa Koronadal City gaya ng ornamental plants, fruit tree seedlings, at maging ng mga processed goods.

Samantala, sinabi ni Regional Executive Director Amalia Jayag-Datukan na tanging ang kuryenteng kanilang na-konsumo ang binayaran ng mga exhibitor. Aniya, sinagot ng tanggapan ang kanilang pagkain sa loob ng isang linggo at iba pang mga bayarin sa nabanggit na aktibidad.

Kaugnay nito nagpasalamat naman ang mga exhibitors sa DA sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maipamalas ang kanilang mga produkto. “Kakaiba talaga kapag ang DA ang nag-iimbita ng mga exhibitor dahil kulang na lang pati ang transportation expenses papunta at pauwi ay babayaran pa nila,” wika ni G. Herman Yriarte ng Herman’s Nursery ng Kidapawan City.

Katuwang ng DA 12 ang provincial government ng South Cotabato sa pangunguna ni Governor Daisy Avance-Fuentes, provincial agriculture office at ang local government unit ng Koronadal City sa pagsasagawa ng Agri trade fair. (HMCOsoteo)

Add comment


Security code
Refresh